Ang Kontribusyon ng Independent Film sa Industriya ng Pelikulang Pilipino

Marso 18, 2009

Kabanata 1: Panimula

 

A. Panukalang Pahayag

 Ang pag-usbong ng independent film ay isa sa mga solusyon upang payabungin ang papabagsak na industriya ng pelikulang Pilipino.

 

B. Introduksyon

 Mapapansing sa mga nagdaang taon, paunti na ng paunti ang pelikulang pinoprodyus ng mga production companies na nagreresulta sa unti-unting pagkamatay ng industriya ng pelikulang Pilipino.

 Dahil nga sa likas na malikhain at maabilidad ang mga Pilipino at ang pag-usbong na rin ng mga abot- kayang camcorder ay nakagawa sila ng paraan upang isalba ang industriya. Ito ay sa anyo ng Independent films- ang mga pelikulang ginawa ng mga malikhaing indibidwal, may karanasan man o wala sa paggawa ng pelikula, sa halip ng mga malalaking production companies.

 Sa pag-usbong ng indie films, nagkaroon ng espasyo sa sinehan ang mga pelikulang Pilipino. Dahil nga sa makatotohanan ang mga indie film ay nabigyan ang ilan sa mga ito ng karangalan ng iba’t- ibang award giving bodies. Sa kadahilanang ito, naisipan ng mga mananaliksik na piliin ang paksang “Ang Kontribusyon ng Independent Film sa Industriya ng Pelikulang Pilipino”

 

C. Rebyu o Pag-aaral

      Mula sa GMANEWS.TV, isinapubliko noong ika- 11 hanggang ika- 20 ng Hulyo ng taong 2008 ang sampung full-length movies at sampung short film movies na maglalaban- laban sa ikaapat na edisyon ng Cinemalaya Philippines Independent Film Festival. Sa edisyon ng naturang kaganapan ay may temang “Anong Kwento Mo?” na nagsasabing ang mga PIlipino kahit saan ay may magagandang kwentong ibabahagi lalong lalo na ang mga independent film makers.

    Sinasabi sa manilatimes.net na may kumpyansa ang pangulo ng Cinemalaya na si Nestor Jardin na mas marami pang independent films ang mabibigyan ng pagkilala ng iba’t ibang award giving bodies sa sirkulasyon ng pelikula sa labas ng bansa.

      Mula pa rin sa nasabing website, ang industriya ng pelikulang pilipino ay namamatay na dahil sa paglipas ng panahon, pakaunti na ng pakaunti ang pelikulang ginagawa ng mga production companies dito sa bansa.

   Mula naman sa http://www.iht.com, sa isang column ni Carlos Honde, sinasabing ang dahilan ng pagtigil sa paggawa ng ilang movie producers ay dahil sa hindi sila kumikita sa pagpo-prodyus ng mga ito.

   Sinasabi na ang isang dahilan sa pagbagsak ng industriya ng pelikula ay ang pag- kaunti ng bilang ng mga nanonood dito. Masasabing ang Pilipinas ang may pinakamatarik na pagbaba ng mga manonood dahil sa pagitan lamang ng ilang taon ay dumami na ang ibinaba ng bilang ng mga manunud na nagpupunta sa mga sinehan.

 

D. Layunin

   Ang pangkalahatang layunin ng pananliksik na ito ay upang malaman ng mga mambabasa ang nagagawa ng independent films sa industriya ng pelikulang Pilipino.

 

E. Halaga

 Sa pamamagitan ng pananaliksik na ito, maipapakita ang malaking  papel na ginagampanan ng mga independent films sa industriya ng pelikulang Pilipino. Sa pamamagitan din ng pananaliksik na ito, maipapakita na ang nasabing industriya ay buhay pa. Isa pa, ipinapapalaam nito sa publiko na ang mga independent films na gawa sa bansa ay kalebel ng mga international movies pagkat ang ilan sa mga ito ay nakasungkit ng mga prestirhiyosong gawad. 

F. Konseptual na balangkas

balangkas

Ang industriya ng pelikulang Pilipino ngayon ay binubuo ng dalawang salik, ang mga pelikulang gawa ng mga malalaking production companies at mga independent films. Ang dalwang ito ay magkahanay dahil nga sa mga nagawang independent films ngayon na kayang makipagsabayan sa mga gawa ng mga malalaking production companies.

G. Metodolohiya

 Ang mga mananaliksik ay hahanap ng mga babasahin sa Internet at Library at ang mga datos na makakalap ay pag-aaralan. Bukad pa dito, ang mga pag-aaralan nila  ang mga tema ng ilan sa mga independent films.

 

H. Saklaw

Ang pananaliksik na ito ay sasaklaw lamang sa mga indie films sa Pilipinas mula 2005 hanggang; sa kanilang mga kontribusyon sa pamamagitan ng pagkuha ng pagkilala mula sa iba’t-ibang award giving bodies sa loob at labas ng bansa.  

I. Daloy ng Pag-aaral

II. Ikalawang Kabanata: Katawan ng Pananaliksik

 

Panimula

        Mula noong 1970, mayroon ng mga independent filmmakers na umusbong maliban sa noong tinatawag na “the Big Four” na mga istudyong kinabibilangan ng Lebran, Premiere Productions, Sampaguita at LVN. Kaugnay ng pag-usbong ng mga indie films, ang pagrerebelde ng kabataan ay umusbong  dahil nararamdaman nila na may kailangan  silang iparating sa mga nakakatanda kaya ipinakita nila ito sa pamamagitan ng nauusong rock n’ roll na uri ng musika. Ang pelikula, bilang medyum sa pagpapahayag ng sarili, ay ginamit din upang magampanan ang nasabing pagrerebelde sa pamamagitan ng pagpapakilala ng bagong tema ng pelikula tulad ng “teen love team” upang palitan ang mga makalumang tambalan ng mga beteranong artista.

 Noong 1977, isang ordinaryong filmmaker na nagngangalang Kidlat Tahimik ang gumawa ng pelikula na pinamagatang Perfumed Nightmare.  Ginulat nito ang  film industry nang nagkamit ito ng International Critic’s Prize sa Berlin Film Festival. Ang hakbang na ito na ginawa ni Tahimik ay nagbuklod sa komersyal at alternatibong pelikula. Ang pondong ginamit ay nagmula mismo sa kanya at sa kanyang mga kaibigan. Sinuong niya ang peligrong kaakibat ng paggawa ng kahanga-hangang pagbabago sa Industriyang Pelikulang Pilipino, kung saan mas kailangang iparating sa mga manonood ang nilalaman ng isang pelikula kaysa sa kumita gamit ito. Mula noon, maraming kabataang filmmakers ang umanib kay Kidlat Tahimik para sa paggawa ng mga pelikula. 

 Ang Oliver naman ni Nick De Ocampo at ang Ang Magpakailanman ni Raymond Red na parehong pinalabas noong 1983 ay umangkin ng atensyon sa ibang bansa, isang ebidensya na ang bagong henerasyon ng Pilipinong Alternatibong pelikula ay malapit nang magsimula. Ang iba pang filmmakers na katulad nila ay nagpatuloy sa pananaliksik sa tunay na kahulugan ng pelikula na hindi lamang ito para manlibang ngunit ito rin ay nagpapakita ng kaugnayan sa pagitan ng tao at sa kapaligiran nito. 

 

Mga Datos

Pelikulang Pilipino

         Ang pelikulang  Pilipino ay may mahigit 100 taon nang kasaysayan. Sa paniniyak, ang industriya ay ng pelikulang Pilipino ay nagsimula noong 1897. Ang pelikula noong araw ay hinahalaw sa mga paniniwala at pang- araw- araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Bilang pagpapatunay dito ay ang pagpapalabas ng pinakaunang may tunog na pelikulang Ang Aswang.

Ang ebolusyon ng pelikulang Pilipino ay nahahati sa anim na yugto; bago magdigmaan, panahon ng digmaan, dekada 50, dekada 60, dekada 80, dekda 90 at kasalukuyang panahon. Bawat yugto ng ebolusyon ng industriya ng pelikulang Pilipino ay may kinalaman sa panahon. Ayon sa mga eksperto sa industriya, sinasabing ang dekada 50 ang pinakaunang ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino kung saan umabot ng 350 ang pelikulang naipalabas sa mga sinehan taun-taon.

         Sa paglipas ng panahon, patuloy pa rin sa paggawa ng pelikula ang mga production companies ngunit ang dami ay nalimitahan na dahil na rin sa iba’t- ibang salik. Sa pagkakaroon ng krisis sa ekonomiya ng Pilipinas, naapektuhan ang pelikulang Pilipino. Mangilan- ngilan na lamang ang nagnais na manuod ng sine dahil mas nakatuon na ang kanilang sa atensyon sa hanap buhay at trabaho. Sa pangyayaring ito, napilitan ang ilang production companies na magsara. Ang mga production companies na nagniningning noon tulad ng LVN Pictures, Sampaguita Pictures, Lebran International, at Premiere Productions. Ang pagsasara ng mga ito ang nagbigay daan sa unti- unting pagbagsak ng industriya ng pelikulang Pilipino. Ang paglugmok na ito ay nakita nang bumagsak mula sa 350 pelikulang naipalabas noong dekada 50, 200 noong dekada 80, hanggang sa ito ay naging 56 noong 2006 at 30 noong 2007. Sa anggulo naman ng dami ng pumupunta sa sinehan, mula 131 milyon noong 1996, bumaba ito sa bilang na 63 milyon ng 2004.

         Bagamat ganoon man ang nangyari, may mga production companies pa rin sumsubok ibangon ang ningning ng industriya. Ilan sa mga ito ay ang Star Cinema, Viva Films, GMA Films, Regal films, at marami pang iba.

Pagpasok ng Independent Films

         Mula nang ilabas ang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros sa sinehan at makakuha ng karangalan mula sa iba’t- ibang pampelikulang paligsahan sa labas ng bansa, naenggananyo na ring gumawa ng pelikula ang iba pang nagnanais na maging lokal na direktor ng pelikula. Ilan din sa mga sumunod pang mga independent films na ipinalabas ay humakot din ng parangal. Sa sunod- sunod na tagumpay ng mga naunang independent films na ipinalabas, lalo pang dumami ang mga independent films na ipinalabas noong taong 2007.

Ito ang listahan ng ilan sa mga independent films na nakuha ng mga gantimpala. Ito ay hinango mula sa wikipilipinas.org:

100- Ito ay tungkol sa sandaang bagay na nais gawin ng isang babaeng may kanser sa huling tatlong buwan ng kanyang buhay.

 

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros- Ito ay kwento ng isang baklang pinapapili kung sino ang kailangan niyang protektahan, ang kanyang pamilyang puro magnanakaw o ang isang binatang pulis ng tumutugis sa mgamagnanakaw.

Boses- Isang kwento ito ng mabuting pagkakaibigan ng isang violin teacher at ng batang minaltrato ng kanyang ama. Malalaman nila ang kahinaan at kalakasan ng bawat isa sa pamamagitan ng pagtugtog ng violin.

Brutus- Umiikot ang kwento nito sa dalawang batang Mangyan na inarkilahan ng mga illegal loggers upang kumulimbat ng mga troso sa gubat ng Mindoro. Sa kanilang pagtatrabaho, makikita nila ang malaking kaibahan ng mundo sa pamamagitan ng mga ganid na tao.

Concerto- Kwento ito ng pakikipagkaibigan ng isang pamilyang Pilipino sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Huling Pasada- Ito ay tungkol sa isang manunulat na gumagawa ng kwento tungkol sa isang taksi driver na nagsisilbing ama sa isang batang lansangan. Habang minamatyagan niya ang taksi driver at sa kanyang ugnayan sa bata, makakahanap siya ng bagay na hindi niya inakalang makikita niya.

Inang Yaya- Ito ay kwento ng isang ina na nakakaramdam ng pagmamahal ng dalawang anak- ang kanyang tunay na anak at ang kanyang anak- anakan.

Kubrador- Kwento ito ng isang kubrador sa jueteng.  Tinatalakay din nito ang pang-araw- araw na buhay ng mga pangkaraniwang mamamayan.

Magnifico- Ito ay kwento ng isang batang kinulang sa talino ngunit maabilidad. Umikot ang kwento sa pagiging maabilidad niya upang malutas ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Masahista- Ito ay tungkol sa isang batang masahista na bukod sa pagmamasahe ay nagbibigay din ng panandaliang aliw.

Tema ng Independent Films

         Ang mga independent films ay gawa sa imahinasyon ng mga manunulat kung saan ang limitasyon ay ang kanilang imahinasyon. Dahil dito, nagkakaroon ng lamang ang mga ginagawang independent film kung ikukumpara sa mga gawa ng mga production companies na limitado ang tema.. Dahil nga sa walang limitasyon sa kung saan ang pwede nilang isapelikula, madami sa mga independent films ay namumulat sa kamalayan ng mga Pilipino, at sa mga simpleng bagay lamang- mga simpleng bagay na kapupulutan natin  ng aral.

         Maliban pa sa nabanggit, mas pinagtutuunan din ng mga independent film ang mga isyu sa lipunan sa mas alternatibo at simpleng paraan.

Cinemalaya      

         Mula sa Inquirer.net, ang pag- usbong ng industriya ng Philippine independent films, naitatag ang Cinemalaya. Isang paligsahang pampelikula ng mga independent film na naglalayong maipakita ng mga bagong direktor ang kanilang pagkamalikhain sa paggawa ng pelikula. Sa pagkakaroon din Cinemalaya, naipapakilala ng husto ang mga independent film sa kamalayan ng mga manonood.

         Noong unang magtampok ang Cinemalaya noong 2005, 8000 katao ang nanood. Habang noong 2005, 12000 ang nanood. Noong taong 2006, halos 23000 ang nanood at tuluyang umabot sa 26900 katao sa pinakahuling pagtatampok nito.

         Sa tagumpay ng apat-na-taong gulang na pampelikulang paligasahan, bawat taon, nadaragdagan ang interes ng mga manonod.

         Sinasabi rin ng mga eksperto sa pelikula na may pag-asa na mas lalo pang umusbong ang industriya ng independent film kung pagbabasehan ang bilang ng mga manonood.

Paraan ng Pagpapalabas

         Ayon sa mga direktor, upang maipakilala sa madla ang kanilang mga gawa, sila ay nagpupunta sa mga paaralan kung saan kanilang ipinapakita ang kanilang ginagawa. Ito ay sapagkat hindi ito gaanong naipapakita sa mga patalastas sa telebisyon dahil kulang sila sa pondo. Sa mga sinehan naman, bilang pagtulong sa industriya ng independent film, inilunsad sa loob mismo ng Robinson’s  Galleria ang IndieSine, isang alternitabong sinehan na tiyak pupuntahan ng mga mahilig sa independent films.

Plano ng Lokal na Sektor

         Upang lalong mapag-igting ang kamalayan ng publiko sa independent film, nagkaroon ng pagpupulong ang Film Development Council of the Philippines at Cultural Center of the Philippines kung saan napag- usapan ang mga plano ukol sa una. Napagplanuhan na ang mga nasabing kumite ay gagawa ng aksyon sa distribusyon, promosyon, at pagsasapubliko  sa mga independent films.

Tugon ng mga dayuhan

          Hindi na kailangang mag-alala pa ng mga mga prodyuser ng mga independent films hinggil sa pondo upang magawa ang kanilang mga proyekto. Mula sa mga banyaga ang panustos sa paggawa ng pelikula kaya sineseryoso na nila ang kanilang gawain. Ayon sa mga eksperto, ang gawaing ganito ay bunsod ng mga magagandang independent films na ginawa ng mga batang director sa Pilipinas.

Independent Films at Ibang Pelikula

         Bagamat dumarami ang bilang ng independent films na ipinalalabas bansa, kaunti pa rin ang nanunood sa mga ito kung ikukumpara sa ibang pelikulang ipinalabas. Mas madaming nanunuod sa mga pelikulang gawa sa Hollywood dahil na rin mismo sa makabagong pamamaraan ng pagsasapelikula. Mas madami naman ang nanunuod sa mga pelikulang ginawa ng mga premayadong production companies dahil sa ang mga pelikulang kanilang itinatampok ay pinagbibidahan ng mga pinakamaniningning na artista ng kasalukuyang henerasyon.

Mga Karangalang nakuha ng Independent Films

Kubrador:

FIPRESCI Award- Moscow International Film Festival, Russia June 23-July 2, 2006

  Best Picture, Best Actress at ikalawang FIPRESCI Prize- Osian-Cinefan International Film Festival, New Delhi, India, July 14-23, 2006

  Cinemalaya International Film Festival LINO BROCKA AWARDEE

 

  Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros:

 

  Best Foreign Film Nominee sa Independent Spirit Awards 2007

  Best Feature Film sa Berlin International Film Festival (2006)

  Teddy Award Recipient sa 2006 Berlin International Film Festival

  Best Picture sa Gawad Urian Award 2006

  Best actor (Nathan Lopez) Las Palmas Film Festival, Spain

  Golden Lady Harimaguada Award- Las Palmas Film Festival- Spain

atbp. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga  independent films na nakakuha ng mga karangalan sa loob at labas ng bansa.

 Kabanata III: Ang Pangwawakas

A. Pagsusuri sa Datos na Nakalap

 Batay sa mga nakalap na datos, napagtanto ng mga mananaliksik na ang pagyabong ng pelikulang Pilipino ay nakasalalay din sa kondisyong pang- ekonomiya ng mga taumbayan. 

Sa pagsusuri sa mga datos na nakalap, napag-alam din nila na nakatulong ang pagpasok ng industriya ng independent films sa pagsalba sa industriya ng pelikulang Pilipino dahil sa mga makabagong konseptong itinataglay ng nahuli.

Ang mga independent films ay may bagong tema na nakahatak ng mga manunuod na naghahanap ng bagong libangan sa mga sinehan. Ito ay mapapatunayan sa dumaraming bilang ng mga nanunuod ng mga independent films.

Ang Cinemalaya, ang paligasahang pampelikula ng mga independent films ay nagtampok ng mga pelikulang mapapnuod ng mga Pilipino, sa mga pagtatampok nito, lalong mas dumarami ang mga manunuod. Noong 2005, 8000 katao ang nanuod. Nadagdagan naman ito ng 4ooo pang manunuod sa ikalawa nitong pagtatampok. Dumami pa ng 11ooo ang nanuod sa ikatlo nitong pagtatampok. ang nitong huli ngang pagtatampok ay umabot ang bilang ng manunuod sa 26900 katao.

Dahil na rin sa ginawang aksyon ng Robinson’s Galleria, ang paggawa ng IndieSine, mas lalong pang naipakilala sa madla ang independent films. ang resulta nito ay ang pagdami ng mga nahumaling sa panunuod ng independent films.

Dahil sa patuloy na pag- usbong ng indpendent films, ito ay binibigyan ng atensyon ngayon ng lokal na sektor. Upang mapagpatuloy ang mabuting epekto nito, napagpalnuhan ng mga nahuli na paigtingin ang promosyon, distirbusyon at pagsasapubliko nito. Ito ay isang hudyat na ang mga lokal na sektor ay gumaaawa ng paraan upang maisalba ang industirya ng pelikulang Pilipino. 

Sa tulong ng mga nakuhang karangalan ng mga naunang indpendent films na ginawa sa ating bansa, naengganyo ang ilang mga batang manunulat at direktor na gumawa rin ng pelikula. Bilang resulta, dumami ang bilang ng mga nagawang independent films sa bansa. Ang pagdamin ng mga independent films ay nakagawa ng kontribusyon sa pagsalba ng namamatay nang industriya dahil ang basehan sa industriya ng pelikulang Pilipino ay ang dami ng mga nagagawang pelikula.

 

B. KONKLUSYON

  Totoo na ang mga independent films ay nagpapayabong ng pelikulang Pilipino, pagkat sila ang mga nakakamit ng mga gantimpala mula sa ilang sikat na internasyunal na organisasyon ngunit nakasalalay din ito sa mga Pilipino kung sila ba ay susuporta o hindi.

C. REKOMENDASYON

  Batay sa mga kinalabas at ng konklusyon ay iminumungkahi ng mga mananaliksik ang mga sumusunod.

1. Dapat gumawa ang ibang susubok na mananaliksik ng pagsusuri ukol sa mga pelikula na gawa ng mga malalaking production companies nang sa gayon ay maihambing ng mga mambabasa ito sa mga independent films.

2. Maaaring magpanayam ang ibang mananaliksik ng mga personalidad na may diretsong kinalaman sa paglikha ng mga independent films gaya ng direktor, aktor, o ang manunulat mismo ng mauskripto ng pelikula.

3. Maaaring ihambing ng mga susunod na mananaliksik ang indepedent films ang ibang bansa sa mga independent films na yari dito.

4. maaari rin nilang lapatan ng teorya ang pagsusuri ng mga independent films.

5. Dapat maghanap ng mga estatistikang datos ang mga susunod na mananaliksik ukol sa dami ng taong nahuhumaling sa mga independent films kumpara sa mga pelikulang gawa ng malalaking production companies.

 

 

 

Talasanggunian: 

http://www.inquirer.net 

http://www.iht.com 

gmanews.tv 

abs-cbn.com 

youngfilmmakers.multiply.com 

http://www.wikipilipinas.com

http://www.wikipedia.com

www. monstersandcritics.com

http://www.filmmakermagazine.com

http://www.pinoyblogosphere.com

http://www.insidefilm.com

 

Pasasalamat:

Ang mga mananaliksik ay nais maghatid ng kanilang maigting na pasasalamat sa mga sumusunod:

Sa Panginoong Diyos. Kung hindi dahil sa kanya, hindi namin matatapos ang pananaliksik na ito.

Sa aming mga magulan: Kung wala kayo at ang inyong suporta, mahihirapan kaming tapusin itong pananaliksik na ito.

Kay Ma’am bebang: Salamat po sa inyong paggabay sa pagwa namin ng aming pananaliksik.

 

Mga mananaliksik:

Kho, Lawrence

Cheng, Kent Jason

Domasig, Eduardo

Panganiban, Paul Jay

Pulido, Alwin

          Tatalakayin ng pananaliksik nito ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino, ang pagusbong ng independent films. Ang independent films ay tatalakayin sa pamamagitan ng paglahad ng tema nito, ang Cinemalaya, ang paraan ng pagpapalabas ng mga indie films, ang plano ng local na sector ukol ditto, ang tugon ng mga dayuhan dito, ang pagkukumpara nito sa mga regular na pelikula, at ang mga karangalang natanggap ng mga ito sa naglipas ng panahon.

Hello world!

Marso 17, 2009

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.